Minsan may mga baluktot talaga tayo na pananaw sa buhay. Mga pananaw na madalas dumadala sa atin sa kapahamakan. Mga pananaw na kahit alam nating mali ay siya pa ring sinusunod. Hindi na ba tayo natuto? Hindi na ba sapat ang minsang pagkakamali?
Madalas nangyayari sa akin ang mapaisip ng mga nangyayari sa aking buhay lalo na kapag ako ay nag-iisa. Samahan pa ng musika na nakapagpapalabas ng luha sa kung sino man ang makarinig. Oo lagi nangyayari sa akin yan.. Palagi akong nagiging emosyonal lalo na if patungkol sa aking sarili at pamilya. Malimit kong nakikita ang aking sarili na luhaan na kadalasan ay dulot ng isang problema, pangamba, takot at sakit.
At ngayon, ito na naman ako. Iniisip ang mga nakaraang pangyayari sa buhay ko. Mga maling desisyon, mga pangako at pangarap na hindi natupad at mga pagdurusa na likha mismo ng sarili kong pananaw.
Ito ako ngayon nagdurusa, umiiyak, nasasaktan at nakokonsensya. Malapit na pala ang mothers day. Wala man lang akong ipon para mabilhan ko ng regalo ang butihin kong ina. Sana pagsapit ng araw na iyon eh mapadama ko man lang sa mama ko kung gaano ko sya kamahal. Kung gaano sya kaimportante sa buhay ko. Sana maipalam ko man lamang na hindi ako mabubuhay pag wala sya. Na hindi kumpleto ang araw ko kapag di ko sya nakikita at nakakausap. Na sa kabila ng aking pagbubulakbol ay ang pangakong aalagaan ko sya habang buhay.
I love you nay! Mula noon hanggang ngayon…
Di ba ang sama ko? Ang sama ko dahil kahit anong gawin ko ay mama’s boy pa rin ako.. Ang sarap talaga maging masama! Di ko pinagsisisihan ito!